Natatandaan niyo pa ba kung paano tayo nagkakilala? Yung unang beses akong tumayo sa harap ng classroom natin para magpakilala dahil unang araw ng pagiging 3rd year student natin. Unang beses akong nagsalita sa harapan na kinainisan agad ng halos kalahati ng klase. Maski kayo siguro nainis dahil sa way ng pagpapakilala ko sa harapan ninyo. Bilang isang transferee student noon, hindi ko alam kung sino ang kakaibiganin ko nun. At dahil transferee din si Dona at Jesree, hindi nagtagal naging magkakasama na kaming tatlo. Sa katunayan kasama pa namin si Jenica noon. Kaso hindi nagtagal ang school year nagpa-drop siya sa ibang mga kadahilanan.
May kanya kanyang grupo pa tayo noon sa loob ng classroom. At dahil kami kami nila Dona at Jesree ang magkakasama ng madalas, halos kami kami na lang ang nagkakaintindihan. Paano ba naman, pare-parehas kaming mga transferee noon. Hindi naman taliwas sa atin noon na merong sariling grupo si Carel at Princess noon. Ang kasama nila ay yung mga kaperahas nilang matagal ng nag-aaral simula pa noong first year high school sila. Naaalala ko pa nga na minsan may mga pagkakataong nagkakabanggaan ang grupo namin nila Jesree at Dona sa grupo nila Princess at Carel. Hindi maiiwasan yun, mga babae tayo eh. Mabababaw na mga dahilan, sagutan na agad. Pero hindi nagtagal nawala na yung mga banggaan na yun at unti-unting nagkaayos.

Naalala ko nagkaroon ng hindi magandang nangyari noon kaya umiwas sila Carel at Princess sa isa nilang kaibigan. Simula noon, masasabi ko na unti-unting napalapit tayo sa isa’t-isa. Mabilis tayong nagkasundo-sundo at mabilis ding nakalimutan ang mga hindi pagkakaintindihan dati. Basta nagising na lang tayo isang araw, tayong lima na ang laging magkakasama. Mga tawa at boses nating lima ang madalas na nangingibabaw sa araw-araw. Halos walang araw na hindi nagkukulitan, naghaharutan, nagbabarahan at nagchi-chismisan. Halos sa lahat ng bagay tayong lima ang magkakasama. Pero may mga pagkakataon na may mga maliliit na hindi pagkakaintindihan pero naaayos din naman agad.




Hanggang sa tumuntong tayo ng 4th year high school. Doon mas lalo tayong naging close sa isa’t-isa. Mas lalong naging masaya at memorable ang mga araw na lagi tayong magkakasama. Halos tumira na nga kayo sa bahay namin maging sa bahay nila Jesree kakatambay. Naalala ko pa ba yung gabing nag-overnight tayo noong symposium natin? Di ba may kanya kanya tayong mga kama pero pinagdikit-dikit pa rin natin ang mga yun at nagsiksikan para magkatabi lang tayong lima sa higaan? Nakakatuwa kasi halos gawin na nating lullaby ang sermon ni Ma’am Butalid (RIP) dahil bawal nga yung ginagawa natin. Pero tayong lima matitigas ang ulo at mga pasaway at dineadma lang siya? Ganun tayo ka-close noon, pati sa pagtulog ayaw maghiwalay. Nakakatuwa.



Talagang sinulit natin yung huling taon natin noong high school tayo. Sa sobrang pagsusulit natin halos ma-guidance na tayo. Dejokelang. Kaya laking lungkot lang natin nung grumaduate na tayo ng high school. Hindi natin alam kung anong mga mangyayari pagkatapos ng araw na yun. Hindi natin alam kung magiging ganito ka-tibay yung pagkakaibigan natin. Basta, ang dami nating naging tanong noon. Pero ngayon?
Ngayon, halos magta-tatlong taon na tayong magkakaibigan. Madami mang nagbago. Madami mang umalis at dumating. Magkaiba man tayo ng mga pinapasukang university. Pero nandito pa din tayo. Nandiyan pa rin kayo. Mga kaibigan ko pa rin. Mga bruhang nagpapa-highblood sa akin este nagpapasaya sa akin. Kahit na patuloy pa ding dumadating yung mga hindi pagkakaunawaan, patuloy pa rin naman tayong lumalaban para hindi magpa-apekto doon. Kumpleto pa rin tayo at patuloy na nanatiling magkakaibigan.
Alam niyo ba na napakaswerte ko dahil nakilala ko kayo at naging parte kayo ng buhay ko? Ang dami kong natutunan sa inyo. Ang dami kong narealize ng dahil sa inyo. Kaya nga masaya ako at naging kaibigan ko kayo. Ito siguro yung isa sa mga purpose kung bakit ako tumigil sa pag-aaral ng tatlong taon? Matagal ko ng tinatanong kung may purpose ba ang pagtigil ko, pero ngayon alam ko na ang isa sa mga yun. Yun ay yung makilala kayo.

Sana hindi lang tayo magtagal ng tatlong taon. Sana lima, anim, pito, walo, isang dekada. Basta ang gusto ko hanggang sa magkaapo tayo sa tuhod magkakasama pa rin tayo. Yung tipong sabay sabay tayong magbabalik tanaw ng mga litrato nating halos black and white na.
Basta ako swerte. Kasi nakilala ko ‘tong mga lokaret ng buhay ko. Kayo? Masasabi niyo bang swerte din kayo?
